Publiko, dapat mag-“extra ingat” habang wala pang bakuna; COVID-19 cases, bababa sa mid-2021 kapag nakontrol ang pagkalat ng virus ngayong holiday season!

Muling pinaalalahanan ng OCTA Research Team ang publiko na mag-“extra ingat” ngayong holiday season.

Ito ay matapos na tumaas muli ang reproduction number ng COVID-19 sa 0.99 hanggang 1.0 ngayong Disyembre.

Kapag lumampas sa 1.0, nangangahulugan itong mayroon na namang active transmission ng virus sa komunindad.


Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research Team na kritikal ang December 15 hanggang katapusan ng buwan dahil dito masusubok ang disiplina ng mga tao sa pagsunod sa health protocols.

Kaya habang wala pang bakuna, hindi dapat magpakakampante ang publiko.

“The vaccine is about several months away pa ‘no? Tapos yung kanyang rollout ng vaccination program mismo, that will takes several months pa to plan and to implement. So habang wala pa ang vaccine let us not be complacent, tayo ay mag-extra ingat lang muna,” paalala ni Ong.

“At kritikal yung December 15 onwards dahil ito ngayon yung, test ito ng ating disiplina. Sana, by January, wag naman sana na half a million or even more have been infected by COVID-19,” saad pa niya.

Giit pa ni Ong, ang bakuna ay isang parte lang ng solusyon dahil nasa pag-iingat at disiplina pa rin ng mga tao ang sagot sa problema.

Aniya, kung makokontrol ang transmission kahit wala pang bakuna, posibleng sa kalagitnaan ng 2021 ay magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa.

“Yung solusyon ay nasa atin as an individual at ang solusyon ay nasa establisyimento especially in work places ‘no? If both cooperate and work hand-in-hand together with the Department of Health and IATF, maaari nating makontrol itong COVID-19 at ang pagdating ng vaccine, another solution na naman yan, madadagdagan yung ating layers of protection. So pagdating siguro, maybe mid next year, pababa na talaga ang number of cases,” ani Ong.

Samantala, iminungkahi ni Ong sa pamahalaan na bumili ng COVID-19 vaccine na bagay sa sistemang umiiral ngayon sa bansa para mas mabilis na maisagawa ang pagbabakuna.

“Yung rollout kailangan may kaakibat na logistics, storage at transportation ‘no? So ang pagpili ng vaccine, well, personally ang aking advice is to choose the one which we already have in our system. So the covid-19 vaccine na pipiliin, sana ay yung bagay sa sistema natin ngayon that we don’t have to procure freezer or refrigerators or special containers to roll this out, para mabilis din na mai-deliver. ”

Facebook Comments