Wala dapat ikabahala atng publiko sa panukalang batas na layong patibayin ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa terorismo.
Ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana, ang Anti-Terrorism Bill ay mayroong inilatag na safeguards para matiyak na hindi ito magagamit laban sa oposisyon at progresibong grupo.
Sinabi ni Lorenzana na ang mga pumupuna sa panukalang batas ay karamihang mga miyembro ng communist insurgents at binibigyan ng sariling interpretasyon para takutin ang mga tao.
Masusi rin itong tinatalakay sa Kamara at Senado.
Sinegundahan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang pahayag ni Lorenzana.
Para kay Esperon, walang dapat ikatakot ang mga taong sumusunod sa batas.
Iginiit ni Esperon na ang panukalang batas ay layong protektahan ang buhay, kalayaan, at ari-arian mula sa terorismo.
Nitong Biyernes, in-adopt ng House Committees on Public Order and Safety and National Defense and Security ang Senate version ng proposed Anti-Terrorism Act of 2020.