Ngayon sumapit na ang “Ber Months”, pinayuhan ng Philippine Amalgamated Supermarket Association (PAGASA) ang publiko kung paano makakatipid ngayong nalalapit na Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa PAGASA, kailangan abangan ng publiko ang mga “sale section” sa mga pamilihan.
Suhestyon ng PAGASA na bumili ng mga promo packs o bundle package na inaalok ng mga supermarket dahil makatitipid ito ng mula P20 hanggang P70.
Paliwanag din kasi ng PAGASA na karaniwan ay mas mura pa ang Noche Buena products sa panahong ito at nagtataas ang presyo pagpapalapit na ang holiday season.
Kasunod nito, aminado ang nasabing grupo na nangangapa pa sila kung paano paghahandaan ang Kapaskuhan lalo pa’t nasa transition period pa lamang ang bansa at hindi pa lubos na nakakabangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Una nang pinayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na ngayon pa lamang kung maaari ay bumili na at mag-ipon na ng Noche Buena products na hindi naman aabutan ng expiration o hindi madaling masira.
Inihayag din ng DTI na maglalabas sila ng Noche Buena bulletin sa huling linggo ng Oktubre o unang bahagi ng Nobyembre para mabigyan ng gabay ang mga mamimili kung magkano lang ba talaga dapat ang presyo ng mga naturang produkto.