Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan na ang paninigarilyo at paggamit ng vape.
Ayon kay Dra. Gloria Balboa, Regional Director ng DOH-NCR, ito ay para mabawasan ang panganib na tamaan ng kanser sa baga.
Nabatid kasi na base sa datos ng World Health Organization (WHO), karaniwang sanhi ng kamatayan sa buong mundo ay dulot ng kanser.
Sa datos ng DOH, nasa 17,063 ang namatay dahil sa lung cancer noong 2020 na nangunguna sa lahat ng uri ng kanser na sanhi ng kamatayan sa bansa
May naitala rin na 19,180 na bagong kaso ng lung cancer sa naturang taon kung saan pangalawa ito sa kaso ng breast cancer.
Kaya’t dahil dito, maiging iwasan na ang paninigarilyo habang maaga pa upang maging ligtas sa dulot nitong sakit at hindi na rin maapektuhan ang kalusugan ng iba bunsod ng usok nito.