Nagpaalala ang liderato ng Kamara sa publiko kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay Deputy Speaker Loren Legarda, hindi pa natatapos ang pandemya kaya hindi dapat kalimutan ng publiko ang pagsunod sa minimum health standards.
Maaari aniyang ipakita ngayong Mahal na Araw ang ating debosyon sa Diyos ng ligtas tulad nang pagdarasal ng taimtim sa mga tahanan at paggamit ng bisikleta para bawas polusyon kung pupunta sa mga simbahan para sa Visita Iglesia.
Dagdag pa ni Legarda, mainam din na sundin ang rekomendasyon ng Department of Health o DOH at mga health experts tulad ng pag-iwas muna sa paghalik sa mga rebulto at sa nakagawian ng ibang deboto na pagpapapako sa krus, social distancing sa mga simbahan o sa lugar na maraming tao, gayundin ang palagiang paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask.
Iginiit ng mambabatas na mahalaga na magkaroon ang publiko ng maayos na gabay kaugnay sa kung paano mamumuhay sa ilalim ng new normal o bagong yugto ng pandemya upang mapanatili silang ligtas pati na ang mga pamilya.