Ngayong ilang tulog na lamang ay Pasko na.
Muling nagbabala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko na mag-ingat kontra “clickbait” o links na ginagamit ng mga online scammers upang makapambiktima.
Ayon kay PNP-ACG Spokesperson Lt. Michelle Sabino, mas naglipana ang mga kawatan ngayon dahil marami sa ating mga kababayan ang nakatanggap na ng kanilang Christmas bonus.
Aniya, lahat ng modus ay kanilang gagawin makapanloko lamang ng kapwa tulad ng swindling, estafa, online buying, online selling maging ang investment scams.
Aminado rin ang opisyal na marami silang natatanggap na reklamo sa PNP ACG at kanila naman itong inaaksyunan.
Kasunod nito, paalala ni Sabino na wag basta basta magki-click ng link na natanggap mula sa email o sa Facebook (FB) at FB messenger.
Paliwanag nito, kapag ito ay na click awtomatikong mapupunta ito sa isang website, daan para makuha ang inyong personal data na maaaring gamitin ng mga masasamang loob.