Pinag-iingat ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa mga lumalaganap na mga online scam.
Ito ay kaugnay sa papalapit na Pasko at marami ang inaasahang bibili online.
Batay sa impormasyon mula sa ACG, may ilang mga nagtitinda online na wala naman talagang aktwal na binebenta.
Malimit umano sa mga pino-post ng mga scammer ang mga mamahaling item mula sa popular na brand partikular na ang mga damit at electronic device sa murang presyo.
Sa ganitong modus, pagkatapos ng inisyal na bayad, pwedeng makatanggap ng item ang mamili ngunit peke ang kanilang matanggap o kaya naman ay wala talagang matatanggap na item.
Kasama rin umano sa laganap ngayong holiday season ang online travel scam kung saan may e-mail na matatanggap ang isang indibidwal na mayroon siyang “free trip” sa ibang bansa.
Dito umano ay hihingan ang biktima ng reservation fee na mas mahal pa sa market price.
Kaya payo ng ACG, kilatisin muna ang mga alok online at huwag basta basta magpaniwala sa mga promo at binebenta.
Kung naging biktima naman ng modus, maaring magsumbong sa numerong 0905-414-6965 o kaya ay makipag-ugnayan sa Facebook page ng ACG.