Pinag-iingat ng Department of Health o DOH ang publiko sa pagkain ng “exotic food.”
Ito ay kasunod na rin ng naglalabasang ulat na maaaring ang paniki at ahas ang pinagmulan ng 2019 Novel Coronavirus sa China.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na bagamat wala pang kumpirmasyon sa naturang mga report, may ilang sakit na napatunayan nang galing sa mga hayop, gaya ng SARS na mula sa civet cat, habang ang Ebola virus ay dahil daw sa mga paniki at unggoy.
Ani Duque, hindi naman bago ang pagkain ng mga exotic food kahit sa Pilipinas kaya kung maaari ay huwag nang kumain ng mga pagkain na magdudulot ng panganib sa kalusugan.
Dapat ding ihanda ng maayos at lutuing mabuti ang mga pag-kain, para ligtas para sa human consumption lalo na ng mga bata.