Nanawagan si House Committee on Public Information Chairman at Kabayan Representative Ron Salon sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga “fake news” ngayong kasagsagan ng pag-aalburuto ng Taal Volcano.
Nakiusap si Salo sa mga netizens na iwasan na maniwala at magpakalat ng mga pekeng balita mula sa mga hindi beripikado o official sources.
Aniya, sa ganitong sakuna ang totoong kasangga para makakuha ng tunay na impormasyon ay ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Department of Science and Technology (DOST), Ninoy Aquino International Airport (NAIA), National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), Local Governments, iba pang official government accounts at ang mainstream media.
Huwag aniyang i-entertain ang mga alarmist sa social media dahil marami sa mga ito ay nagpapadala ng mensahe, larawan o video na kapag na-click ng netizen ay isang virus pala o kaya ay maaari ka pang mabiktima ng hacking.
Nagbabala naman si Salo sa mga gumagawa ng fake news kaugnay sa Bulkang Taal na lumilikha ng panic sa publiko na maaari silang habulin ng batas at maparusahan.
Ilang pekeng balita na ang kumalat sa social media tulad ng pag-akyat sa alert level 5 ng Bulkang Taal, brown-out advice sa mga lugar tulad sa Laguna dahil sa makapal na abo sa mga transformer, paglindol sa Davao region at iba pang fake news.