Hinihimok ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin ang publiko na kumpletuhin ang dalawang dose ng kanilang COVID-19 vaccine.
Ito’y makaraang sabihin ng Department of Health (DOH) na aabot sa 9% ang mga indibidwal na nabakunahan ng first dose pero hindi na bumalik para magpaturok ng second dose ng bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ni Garin, hindi sapat ang isang dose lamang ng COVID-19 vaccine dahil ang “full protection” laban sa sakit ay nagsisimula dalawa hanggang apat na linggo o 28-araw matapos ang ikalawang dose.
Kung sakaling nakaligtaan ang petsa ng second dose ay maaari pa ring magpare-schedule at huwag mag-alinlangan na magpaturok.
Matapos naman na magpabakuna ng ikalawang dose, iginiit ni Garin na hindi dapat maging kampante ang bakunado at mahigpit pa rin na sumunod sa health protocols.