Hinimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na gamitin ang lahat ng security features upang hindi mabiktima ng mga sindikato sa mga transaksyon sa online.
Tinukoy ng BSP ang maraming digital security features o mga paraan upang ma-protektahan ang mahahalagang personal na impormasyon tulad ng Multi-Factor Authentication o MFA.
Ang MFA ay ginagamit para makumpirma sa iba’t ibang paraan kung tunay na may-ari ng account ang nakikipag-transaksyon.
Kabilang dito ang one-time PIN, biometric authentications at mobile banking PIN na karaniwang ipinadadala sa email, text o tawag sa telepono kaya’t nabibigyan ng alerto ang may-ari ng account at nalalaman kung may pagtatangka na hindi otorisadong transaksyon.
Pinapayuhan din ng BSP ang publiko na iwasang ibahagi sa iba ang mga personal at sensitibong impormasyon, gumamit ng malakas na password at regular na baguhin ito.
Kailangan ding mag-update ng operating system ng mga gamit na device o gadget at agad na ipaalam sa bangko o financial institution kung may kaduda-dudang aktibidad sa kanilang accounts.