Ngayong pormal nang pinasimulan ang SEA GAMES, hiniling naman ng DILG sa publiko na sumunod sa mga inilatag na seguridad at pairalin ang pagiging disiplinado.
Ang pakiusap ng ahensiya ay alinsunod sa Disiplina Muna Program na pagbuhay ng kultura ng disiplina sa mga Pilipino para sa pambansang kaunlaran.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año kailangan ding panatilihin ng publiko ang pagiging malinis sa lahat ng venues ng SEA Games lalo pa’t ipinag-utos ni Pangulong Duterte na libre na ang entrance sa karamihan ng mga palaro.
Nais ipakita ng DILG sa mga kapitbahay sa ASEAN region at maging sa ibang mga dayuhan na hindi lang matinik sa sports ang mga pinoy kundi isang disiplinadong mamamayan.
Muli ring nagpaalala si Año na iwasan na ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa mga sports venues upang maiwasan ang pagkaabala.
Ipinatutupad na ng PNP ang Clear Bag Policy o mga bags na transparent na kita ang laman nito at mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng back pack.
Lahat ng mga ipinagbabawal ay kokumpiskahin ng mga otoridad.