Publiko, pinayuhan ng isang kongresista na huwag mag-panic kaugnay sa Nipah virus

Pinayuhan ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang publiko na huwag mag-panic kaugnay sa Nipah virus na nagdulot na ng outbreak sa India kung saan dalawa na ang nasawi.

Bilang dating kalihim ng Department of Health (DOH) ay iginiit ni Garin sa gobyerno ang kahalagahan ng paglalabas ng official report ukol sa Nipah virus para maging updated at tama ang impormasyong natatanggap ng publiko.

Bunsod nito ay hiniling din ni Garin ang agarang pagtutulungan ng DOH at Department of Agriculture (DA) para sa mahigpit na pagbabantay kaugnay sa Nipah virus na ayon sa DOH ay hindi pa nakakapasok sa bansa.


Binanggit ni Garin, na hindi na bago ang Pilipinas sa Nipah virus nagkaroon na tayo ng mga kaso nito noong 2014 na umano’y nahawa matapos nilang kainin ang karne ng kabayo na kontaminado ng ihi ng paniki na syang ay taglay ng virus.

Hinikayat din ni Garin ang sinumang makakaranas ng mga sintomas ng virus tulad ng lagnat at sakit ng ulo na agad komunsulta sa doktor.

Facebook Comments