Manila, Philippines – Umapela ang Palasyo ng Malacañang lalo na ang mga bibyahe ngayong Semana Santa na makipagtulungan sa pamahalaan para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng lahat.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, mahalaga ang suportang ibibigay ng publiko sa mga security checkpoints, pagsunod sa mga traffic rules and regulations at ang patuloy na pagmamatyag sa paligid sa pagkakaroon ng mas ligtas na pag-gunita ng Semana Santa.
Umapela din naman si Panelo sa publiko na agad isumbong sa mga otoridad ang mga makikitang kahina-hinalang indibidwal na kanilang makikita at mga naiwang gamit tulad ng mga bag, kahon at iba pang mga kahinahinala.
Sinabi din ni Panelo na hindi dapat makalimutan ng publiko na ang panahon na ito ay para sa pag-aayuno at nawa ay ang pagsasakripisyo at kababaang loob na inihalimbawa ni Hesus ay maging inspirasyon para sa lahat sa pagtulong sa isa’t-isa sa lahat ng pagkakataon.