Isa na namang Koryano ang nakatakdang ipadeport ng Bureau of Immigration o BI matapos na mapigil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang 31-anyos na Koryano na si Jang Minki ay napigil habang papasakay na ng eroplano patungong Osaka, Japan.
Ito ay matapos lumitaw ang pangalan nito sa listahan ng Interpol bukod sa kwestyunable ang kanyang travel documents.
Nabatid sa database ng BI na binawi na ng Korean government ang pasaporte nito, matapos na masangkot sa telecom fraud sa kanilang bansa.
May standing warrant of arrest ang dayuhan dahil sa pambibiktima sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng voice phishing, o ang paggamit ng boses sa telepono para maka-access sa mga impormasyon ng kanilang mga target na biktima at makuha ang kanilang credit card numbers at iba pang mga impormasyon na karaniwang nagagamit sa tinatawag na identity theft schemes.