PUI sa 4 na rehiyon, tutukan ng gobyerno para sa sabay sabay na COVID-19 testing

Target ng gobyerno na sabay-sabay na maisailalim sa COVID-19 testing sa mga susunod na araw ang 13,025 na mga persons under investigation o PUIs.

Ito ang inihayag ni Secretary Carlito Galvez Jr., Chief Implementer ng National Task Force COVID-19 sa kanyang isinagawang presscon.

Aniya, kakayanin na maisagawa ang sabay-sabay na COVID-19 testing sa 13,025 na mga PUI dahil mayroong 89,938 na mga testing kits ang Department of Health (DOH).


Sinabi ng Kalihim, ang apat na rehiyon na prayoridad sa sabay-sabay na COVID-19 testing ay ang National Capital Region (NCR) kung saan marami ang nagpositibo sa COVID-19, kasunod ang Region 4, Region 3, Davao Region at Zamboanga Region.

Bukod sa gagawing COVID19 testing sa mga PUIs, inihayag rin ni Galvez na patuloy na nabibigyan ng gobyerno ng personal protective equipment (PPEs) ang mga medical workers sa mga ospital.

Sa katunayan, aniya, may nag-donate ang Solaire ng 30,000 PPEs habang ngayong Lunes hanggang Miyerkules may kukuning 93,000 PPEs sa China para ibigay sa mga ospital sa Luzon at NCR.

Habang sa Huwebes hanggang Friday, may darating pang 84,000 PPEs mula China na para naman sa mga ospital sa Visayas at Mindanao.

Sinabi ni Galvez, ang mga PPEs na ito ay komportableng magagamit ng mga doktor at nars sa mga ospital dahil sa magandang kalidad.

Facebook Comments