Taguig City – Dinakip ng mga tauhan ng PNP Counter Intelligence Task Force o CITF ang isang police officer matapos ireklamo ng mga habal-habal driver dahil sa pangongotong sa Taguig City.
Kinilala itong si SPO4 Danilo Paghubasan, kasalukuyang Deputy Commander ng Police Community Precinct 9 ng Makati City Police Station at residente ng MB 9, BCDA, Barangay Ususan, Taguig City.
Ayon kay CITF Commander Superintendent Romeo Caramat, dalawang linggong isinailalim sa surveillance ang suspek na pulis bago isinagawa ang entrapment operation kaninang umaga sa Pamayanang Diego Silang Village, BCDA, Barangay Ususan, Taguig City.
Inireklamo ito ng isang habal-habal driver na si Arman Lucero, dahil hinihingian siya ng 15,000 piso para payagang makakuha ng pasahero sa kanilang illegal habal-habal terminal sa Barangay Ususan.
Nangongolekta rin daw ito ng tig 150 pesos bawat araw sa 40 mga habal-habal driver sa lugar.
Sa dalawang linggong surveillance sa suspek nadiskubre ng CITF na hindi ito nag-re-report sa kanyang duty at hindi ginagawa ang kanyang duty bilang Deputy Commander ng PNP.
Dahil dito ikinasa ang entrapment operation at ngayon ay nasa kustodiya na CITF sa Camp Crame ang suspek na pulis at mahaharap sa kaso.