Pulis, arestado dahil sa robbery extortion

Pasig City – Kalaboso ang isang pulis sa ikinasang entrapment matapos ireklamo ng robbery extortion operation sa Santolan, Pasig City.

Kinilala si Police Corporal Carlos Librao Quebete ng Eastern Police District Drug Enforcement Unit (EPD-DDEU).

Ayon kay NCRPO Police Major General Guillermo Eleazar, personal na nagpunta sa Regional Special Operation Unit (RSOU) ang live in partner ng isang suspek na nahuli sa isang drug operation at inireklamo si Quebete maging ang ilan pang tauhan ng EPD-DDEU.


Batay sa reklamo ni Eva Cabansag, kinuha nila Quebete ang kanilang pera na nagkakahalaga ng P60,000 kasama ang isang kwintas at motorsiklo.

Nanghingi pa raw ng dagdag na P20,000 ang inireklamong pulis at pinapirma rin siya sa isang deed of sale ng motorsiklo ng kaniyang live in partner.

Dahil dito, ikinasa ng RSOU ang entrapment operation laban kay Quebete.

Giit ni Eleazar, dismayado siya dahil sa kabila ng mataas na sahod ngayon ng mga pulis ay may ilang miyembro pa ng PNP ang gumagawa ng kalokohan at ginagamit ang war on drugs para pagkakitaan.

Nanawagan naman ni Eleazar sa publiko na isumbong sa kaniya ang mga pulis na gumagawa ng katiwalian.

Kasabay nito, ipinag-utos na ni Eleazar ang pagsibak sa pwesto sa labing- limang miyembro ng EPD-DDEU at maging sa hepe nito.

Facebook Comments