Pulis ginulpi at binaril ng isang Drug Surenderee sa Zamboanga del Sur

RMN DXPR Pagadian City—–Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang isang pulis matapos barilin ng sinitang drug surrenderee sa Brgy. Poblacion, Margosatubig, Zamboanga del Sur.
Sa panayam ng RMN-DXPR Pagadian kay Pcinsp. Harry Velez, hepe ng Margosatubig PNP, na nagro-ronda ang pulis na nakilalang si PO1 Oliver Apduhan na nakadestino sa Margosatubig Municipal Police Station sa kanilang area of responsibility, ngunit pagdating sa naturang lugar isang drug surrenderee ang kanyang sinita na nakilalang si Jomar Taiting at doon na nangyari ang suntukan.
Pinagtulungan di umano ng dalawang suspek ang police officer hanggang nakuha ang kanyang service firearm na isang Caliber 9mm na posible ring ginamit sa pamamaril sa pulis.
May tama ng bala sa ulo ang pulis na agad dinala sa ospital, tangay pa ng mga suspek ang kanyang motorsiklo habang papalayo sa lugar. Gayunman, agad nagsagawa ng pursuit operation ang mga pulis sa lugar na nagresulta sa pagkakarekober ng nasabing motorsiklo.
Patuloy parin ang isinagawang imbestigasyon ng mga kapulisan habang inaalam pa ang kasamahan ng suspek na hanggang sa ngayon hindi pa rin nakikita. (Kenneth Bustamante-DXPR News Team)

Facebook Comments