Ginawaran ng “Pulis Magiting” award ang Makati police officer na umagapay sa isang high school student na ang mga magulang ay nakakulong dahil sa drug case.
Si Cpl. Claro Fornis ang kauna-unahang pinagkalooban ng nasabing award na bahagi ng programa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Ayala Foundation.
Matatandaang nag-viral si Fornis matapos tumayong magulang sa Grade 7 na si Angela Perez, 14, na walang ibang matatakbuhang kamag-anak na maaaring pumirma ng kaniyang mga dokumento para makapag-aral sa General Pio del Pilar National High School.
Si Fornis ang umaresto sa nanay ni Perez, nakaraang buwan, dahil sa iligal na droga at nakakulong ngayon sa Makati City Jail, habang ang tatay naman niyang matagal na silang inabandona ay nakakulong din sa parehong presinto.
Layunin ng proyekto na bigyang pagkilala ang mga pulis na nagpakita ng kahanga-hangang kabayanihan.
“This truly inspiring program, tells us policemen, that we are being monitored even by our business community and that we must be doing something good to merit their attention, encouragement and care,” ani NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Pinirmahan ni Eleazar at Ayala Foundation ang kasunduan sa proyekto nitong Biyernes, Hunyo 12.