Pulis Maynila na nanakot sa grupo ng mga kabataan na lumabag sa curfew, sinampahan na ng kaso

Dinisarmahan na ang isang pulis at nasampahan na ng kasong administratibo matapos na ireklamo ng pananakot sa grupo ng kabataan na lumabag sa curfew sa Maynila.

Kinilala ang pulis na si Police Corporal Medel Biloan na nakatalaga sa intelligence section ng Manila Police District (MPD) Station 2.

Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, nakarating sa kaniya ang reklamo laban kay Biloan na inaakusahang nagbunot ng baril para piliting sumunod ang ilang kabataan na lumalabag sa curfew sa Maynila.


Mismong inaresto ng kaniyang mga kapwa pulis si Biloan matapos na makunan ng video ang ginawa niyang pagbabanta sa buhay ng mga kabataan habang ito ay nakasuot ng sibilyan at nakitang umiinom ng alak sa labas ng kaniyang bahay.

Sinabi ni PNP chief, noon pa man ay bilin niya na sa kaniyang mga tauhan na respetuhin ang karapatan ng sinuman sa pagpapatupad ng anumang patakaran at batas.

Nahaharap na ngayon ang pulis sa kasong paglabag sa RA 7610 or Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Facebook Comments