
Manila, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng PNP Counter Intelligence Task Force (CITF) ang isang pulis Maynila sa kanilang ikinasang entrapment operation kaninang alas-12:30 ng tanghali sa may bahagi ng Lawton area sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ni CITF commander PS. Supt. Jose Chiquito Malayo ang kotongerong pulis na si PO2 Joseph Buan ay nakatalaga sa Traffic Section nf Manila Police District (MPD).
Ayon kay Malayo naaresto ang bagitong pulis matapos silang makatanggap ng reklamo na may dalawang hindi nakikilalang mga pulis Maynila ang nagsasagawa ng pangongotong tuwing Biyernes sa may Lawton area at ang kanilang mga binibiktima ay mga bus operators.
Sa ulat pa nakaka kolekta ang mga nasabing pulis ng pera mula P500 hanggang P2,000 kada linggo.
Matapos na matanggap ang reklamo agad silang nagsagawa ng intelligence gathering at nang matukoy na positibo ang impormasyon agad na ikinasa ang entrapment operation.
Pasado alas-4 ng hapon naman kanina nasampahan na nang kasong robbery extortion si PO2 Buan sa Office of City Prosecutor sa Maynila.
Sa ngayon nanatili ito sa kustodiya ng CITF sa Camp Crame.









