Lubos ang pagdadalamhati ngayon ng isang pulis matapos pumanaw ang kaniyang munting anghel habang siya ay nagseserbisyo sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kuwento ni S/Sgt. Robbie Vasquez, nagbabantay siya sa quarantine control checkpoint sa boundary ng Malabon at Valenzuela City noong gabi ng Abril 27 nang makatanggap ng tawag mula sa misis tungkol sa sitwasyon ng kanilang anim na buwang gulang na anak na si Lyndsey.
Matapos malamang kritikal ang kondisyon ni Lyndsey, na mayroong down syndrome, agad nagpaalam ang frontliner sa commander niya para makita ang supling na isinugod sa Caloocan City North Medical Center.
Pero hindi na naabutan ni Vasquez na buhay ang anak na pumanaw dahil sa dehydration.
Ayon sa pulis, ilang beses sinubukan ng mga doktor na i-revive ang supling subalit huli na ang lahat.
“Hindi ka nga makiss at mayakap ng daddy dahil hindi ko alam baka pati ako infected na din ng COVID-19 dahil sa pagganap ko ng tungkulin,” mensahe ng emosyonal na padre de pamilya sa kaniyang Facebook post.
Inilibing si Lyndsey nitong Linggo sa Forest Park Cemetery sa Camarin, Caloocan.
Paglilinaw pa ng frontliner, “hypoglycemia or insulin shock brought by severe dehydration” ang ikinamatay ng sanggol at hindi ito dinapuan ng COVID-19.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar kay Vasquez, na isang dekada nang naninilbihan sa Philippine National Police.