Pulis na nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit sa Region 1, arestado sa pangongotong

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa ikinasang entrapment operation ang kapwa nila pulis dahil sa pangongotong.

Ayon kay PNP-IMEG Director Brigadier General Ronald Lee, kinilala ang naarestong pulis na si Police Master Sergeant Aurelio Pine, nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit sa Region 1.

Ayon sa biktimang si Ricky Sanchez, na may-ari ng hardware store, tinawagan siya ng suspek at sinabing kabilang siya sa listahan sa Region 1 na kilalang miyembro ng gun-for-hire at drug trafficking syndicates na target ng pag-aresto.


At para maalis sa listahan, sinabi ng police suspect kay Sanchez na kailangan niyang magbayad ng P100,000.

Dahil dito, ikinasa ang entrapment at naaktuhan ang suspek na inaabot ang pera mula kay Sanchez.

Nakuha rin kay Pine ang PNP-issued Glock 17 semi-automatic pistol at caliber 45 pistol, na expired ang lisensya.

Sa ngayon nasa Camp Crame na ang naarestong pulis at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.

Facebook Comments