Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang katulad ni Master Sgt. Jonel Nuezca ay mga bulok na dapat walisin at bigyan ng leksyon.
Ayon sa kalihim, sinira ni Nuezca ang magandang imahe ng ‘men in uniform’ na mahabang taon na pinaghihirapan.
Tinukoy ni Año ang pag-angat ng Philippine National Police (PNP) sa 12th rank sa 2020 Global Law and Order Gallup Survey, na nagpapakitang tumaas ang pagtitiwala ng publiko sa PNP dahil sa intensive anti-criminality campaign sa nagdaang mga taon.
Maliban dito, abot na sa 16,839 police officers ang sinibak o kinasuhan simula 2016 bilang bahagi ng paglilinis sa PNP sa mga scalawags.
Patunay aniya ito ng determinasyon ng PNP na pagbutihin ang law enforcement system sa bansa.
Pero dahil sa pagiging cold-blooded murderer ni Nuezca, nasayang ang kabayanihan ng 229 police officers na nasawi sa pakikipaglaban sa mga kriminal, sa mga drug syndicates at communist terrorists simula noong 2016.
Maliban pa rito ang 812 na mga pulis na nasugatan sa mga police operations.
Kinakailangan aniyang magdoble-kayod ngayon ang PNP upang makapagpatupad ng mga reporma sa police organization upang hindi na maulit ang insidente at ibangon ang reputasyon ng institusyon.