Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa PNP Internal Affairs Service na bilisan ang imbestigasyon sa dalawang pulis na naaresto sa magkahiwalay na operasyon dahil sa iligal na aktibidad.
Ang mga ito ay sina Police Staff Sgt. Ariel Yalung, na nahuli sa Quezon City sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa iligal na pagbebenta ng overpriced na Tocilizumab na ginagamit na gamot para sa mga pasyenteng may COVID-19.
At si Police Staff Sgt. June Angeles, na nahuli naman ng Integrity Monitoring and Enforcement Group dahil sa pangingkil sa asawa ng isang preso sa San Mateo, Rizal.
Siniguro ni Eleazar na matatanggal sa serbisyo ang dalawa dahil sa katiwaliang kinasangkutan nila.
Sa ngayon, nakakulong na at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga ito.
Kaugnay nito, nanawagan naman si PNP Chief sa publiko na huwag matakot isumbong ang mga pulis na sangkot sa ilegal na gawain.
Kailangan daw ito ng PNP para malinis ang kanilang hanay.