Pulis na sinabuyan ng taho ng isang Chinese sa MRT, pinarangalan

Binigyan ng parangal sa isinagawang flag raising ceremony sa Camp Crame ang pulis na sinabuyan ng taho ng bente tres anyos na Chinese sa MRT Boni Station nitong nakalipas na araw ng Sabado.

Mismong si PNP Chief Director General Oscar Albayalde at dating Special Assistant to the President at Honorary Chair ng Chiefs of Police Association of the Philippines Cristopher Bong Go ang nagsabit ng Medal of Commendation kay PO1 William Cristobal.

Ayon sa PNP chief, ipinagmamalaki nila si PO1 Cristobal dahil sa ipinakitang kahinahunan sa kabila ng nangyaring pambabastos sa kaniya lalo pa at ginawa ito ng isang dayuhan.


Pinatunayan lamang daw ni PO1 Cristobal na ang mga pulis ngayon ay pasensyoso, mahinahon at mababang loob na humaharap sa anumang klaseng sitwasyon.

Sinabi naman ni Cristobal, na sa kabila na aminado siyang nanliit siya sa ginawa sa kanya ni Jiale Zhang, pinili na lang niyang manahimik at hayaang maharap ito sa kaso.

Facebook Comments