Pulis, nawawala matapos tumaob ang sinasakyang speedboat sa Antique

217
Photo courtesy of Barangay Semirara Responders

Pinaghahanap pa rin ang isang pulis na nawala nang tumaob ang sinasakyang speedboat sa dagat sa Caluya, Antique, noong Biyernes ng umaga.


Kinilala ang nawawala na si PCpl Mark Anthony Alejandro, habang nasagip naman ang kasama nitong dalawang pulis at dalawa ring miyembro ng Philippine Coast Guard.

Ayon sa PCG-Antique, lulan ng speedboat ang lima mula Poblacion para maghatid ng relief goods sa mga coastal barangay ng Caluya.

Papunta na sanang Sibolo Island ang bangka nang tumaob ito dala ng malakas na alon.

Nakahawak pa raw sa nakataob na speedboat ang lima, ngunit nang dumating ang rescuers ay hindi na nakita pa si Alejandro.

Patuloy ang paghahanap sa biktima ng PNP-Caluya, PCG at iba pang rescue team sa Aklan.

Maayos naman ang kalagayan matapos malapatan ng lunas ang apat na nasagip.




Facebook Comments