Cauayan City, Isabela- Patay ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong aksidenteng mabaril ng kanyang ka-buddy sa loob ng kanilang barracks sa Barangay Sta. Maria, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office, kinilala ang nasawing biktima na si Patrolman James Canceran, 32-anyos, at residente ng ng Sta. Maria, Isabela habang ang suspek ay nakilala naman na si Patrolman Joshua Cebo,24, at residente ng Tumauini, Isabela at kapwa nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng PNP Nueva Vizcaya.
Ayon kay P/Lt Col. Joberman Videz, Commanding Officer ng 2nd PMFC, naghahanda umano noon ang biktima na pumasok sa trabaho bilang building guard nang mangyari ang insidente dakong alas 8:00 ng umaga.
Abala umano noon na nag-aasikaso ng kanyang sarili ang biktima habang kinuhan naman ng suspek na si Cebo ang kanyang 9mm service firearm sa kanyang bag nang aksidenteng pumutok ito at tinamaan ang biktima.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival ng kanyang duktor matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa bahagi ng kanyang tiyan.
Nabatid na magkaklase ang dalawa mula PNP class 2019.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa kasong ng Reckless Imprudence resulting in Homicide.
Posible namang masibak sa serbisyo ang suspek dahil sa insidente.
Samantala, naiuwi na ang bangkay ni Canceran sa kanilang lugar sa Barangay Bangag, Sta. Maria, Isabela habang nagpaabot na ng inisyal na tulong ang pamunuan ng Police Regional Office 2.