Cauayan City, Isabela – Sugatan ang isang miyembro ng carnapping group matapos na makipagbarilan sa isang pulis sa Barangay Cabaruan, Cauayan City na malapit sa isang malaking kainan bandang alas onse kagabi, June 11, 2018.
Sa impormasyong nakalap ng RMN Cauayan, kinilala ang pulis na si PO1 Pedro Allam na isang Police Non-Commissioned Officer o PNCO, samantala ang isang suspek na umanoy miyembro ng carnapping group ay kinilala na si Ronald Bautista, residente ng Brgy. Tagaran, Cauayan City na nasa isang pagamutan para sa karampatang lunas.
Tinutugis parin ng kapulisan ang kasama ni Bautista na si Ronaldo Gomez na residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa pangyayari, habang nasa harapan ng malaking kainan ang PNCO ay napansin niya ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo na lumapit sa mga nakaparadang motor at pagkalipas ng ilang minuto ay sinakyan umano ni Bautista ang isang motorsiklo.
Sa aktong papaalis na si Bautista ay pinatigil ito ni PO1 Allam ngunit binaril siya ng suspek sa hindi pa malamang klase ng baril na ginamit at bilang depensa ay ginamit narin ni Allam ang kanyang baril at gumanti sa suspek.
Sa resulta ay nagtamo ng tama ng baril si Bautista at dinala agad sa isang pagamutan na mahigpit na binabantayan ng kapulisan samantalang hindi naman natamaan si PO1 Allam.
Sa karagdagang imbestigasyon ay nakuha ang isang pakete ng shabu mula sa mga gamit ni Bautista.
Samantala tinutugis na ng kapulisan ang iba pang kasamahan ni Ronald Bautista at inihahanda na ang inquest para sa suspek.