Nagpapagaling na ngayon sa Davao de Oro Provincial Hospital ang isang Pulis makaraang pagsasaksakin ng sinita nito dahil sa paglabag sa ipinatutupad na curfew.
Kinilala ni PMaj. Emerson Pugong, Officer-In-Charge ng Monkayo Municipal Police ang sinaksak na pulis na si PCpl. Janry Cabrera Rabe, 27-anyos na nakatalaga bilang Revitalized-Pulis sa Barangay Cluster 19.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, papauwi na sana sa kaniyang bahay ang pulis na si Rabe matapos ang kaniyang duty nang sitahin nito ang suspek na kinilalang si De-Jun Ruyana Melindo, 29-anyos, dahil sa umiiral na curfew.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktimang pulis kaya naman bigla nitong inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang pulis at tumakas.
Isinugod naman agad ng mga tauhan ng Monkayo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa ospital ang biktimang pulis para magamot.
Tumungo naman sa Police Station ang live-in partner ni Rabe na kilala ang suspek kaya’t ikinasa ang follow-up operations dahilan ng pagkakaaresto sa suspek.
Nahuli ito sa kaniyang tinutuluyang bahay sa bahagi ng Manalo National Housing Authority o NHA at ngayo’y nahaharap sa kasong frustrated murder.