Cauayan City, Isabela- Natimbog sa entrapment operation ang isang kasapi ng PNP Echague, Isabela dahil sa diumano’y pangingikil nito ng pera sa isang Ginang sa Santiago City.
Una rito, nagsanib pwersa ang Regional Integrity Monitoring and Enforcement Team (RIMET), Santiago City Police Station 1, Santiago City Police Office (SCPO), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Santiago City at Echague Police Station upang ikasa ang entrapment operation sa brgy Mabini, Santiago City laban kay PMSG Arthur Coloma Salvador, 47 taong gulang, may-asawa, at residente ng Park River Side, San Antonio, Alicia, Isabela dahil sa reklamo ng nagngangalang Nimfa Remegio.
Humingi umano ang suspek sa Ginang ng perang nagkakahalaga ng P1.2Million pesos bilang kapalit sa pag-aayos nito sa kanyang nakabinbing kaso.
Nakuha sa pag-iingat ni PMSG Salvador ang ginamit na boodle money o perang ginamit sa transaksyon sa harap mismo ng kilalang mall sa brgy Mabini, Santiago City.
Kaugnay nito, mariing kinondena ni PCOL James Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang pagkasangkot ng nasabing pulis sa iligal na gawain.
Maliwanag aniya na paglabag ito sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte at PNP Chief Debold Sinas na umiwas sa anumang porma ng iligal na gawain na sumisira sa mandato ng kapulisan.
Iginiit pa ng Provincial Director na walang puwang sa hanay ng pulisya ang mga police ‘scalawags’.