Cauayan City, Isabela- Sa halip na magpatupad ng batas, mismong isang pulis ang lumabag dito dahilan upang siya ay hulihin ng kanyang mga kabaro sa pamamagitan ng isinagawang entrapment operation pasado alas 10:00 ng umaga ngayong Linggo, September 19, 2021 sa barangay District 3, Cauayan City, Isabela.
Ikinasa ang naturang operasyon ng mga pinagsanib-pwersa ng Regional Integrity Monitoring Enforcement Team (RIMET), Isabela Police Provincial Office (IPPO) at mga tauhan ng Cauayan City Police Station kung saan nagresulta ito sa pagkakaaresto ni Police Master Sergeant Sherwin P. Gamit, 38 taong gulang, may-asawa, warrant server ng PNP Cauayan City at residente ng barangay Labinab sa nasabing Lungsod.
Lumabas sa pagsisiyasat ng mga imbestigador ng Cauayan City Police Station, nakipag-ugnayan ang RIMET sa nasabing himpilan ng pulisya kaugnay sa sumbong ng isang nagngangalang Vanessa Velasquez ng brgy. Labinab kung saan hinihingan umano siya ni Gamit ng halagang Php300,000.00 kapalit ng pagtulong nito upang maiayos at mapadali ang kaso ng kanyang kapatid na si Darelle James Marcos na nahuli naman sa isang drug buy bust operation nitong nakaraang Linggo.
Dito na agad naglatag ng entrapment operation ang mga otoridad kasama ang nagrereklamo kung saan mismong si Velasquez ang nag-abot ng pera kay Gamit at tinanggap naman ng nasabing pulis dahilan upang siya ay dakpin ng mga nakapaligid na operatiba.
Nakuha mula sa pag-iingat ng nahuling pulis ang mahigit P5,000 cash, mga ID’s, mga resibo, leather ID case, habang nakuha naman mula sa loob ng kanyang sasakyan ang tatlong (3) bundle ng boodle money na may kasamang limang (5) pirasong isang libong piso; tatlong (3) unit ng cellphones; isang (1) revolver Caliber 22 na walang serial number; isang (1) Gloc 17 caliber 9mm pistol na may kasamang tatlong (3) magazine na inisyu ng PNP; at ang sasakyan nito Toyota vios na may plakang BAA 8607.
Nakahanda na ang kasong Robbery Extortion at paglabag sa RA 10591 na isasampa bukas, September 20, 2021 kay Gamit at dipende na sa magiging desisyon ng korte kung bibigyan ito ng pagkakataon na makapag piyansa o hindi para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Samantala, sinubukang kapanayamin ng 98.5 iFM Cauayan news ang nahuling pulis subalit tumanggi itong magbigay ng kanyang pahayag.
Si PMSg Gamit ay 16 taon na sa serbisyo at mayroon dalawang anak sa asawa na nakatakda sanang magdiwang ng kanyang kaarawan bukas.