Nahaharap na ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang isang police sergeant sa Cauayan City, Isabela matapos na umano’y mangotong sa kaniyang hinuling drug suspek.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar, inutos niya na rin na simulan na ang summary proceedings laban kay Police Master Sergeant Sherwin Gamit na nakatalaga sa warrant section ng Cauayan City Police.
Siya ay naaresto sa ikinasang entrapment operation at ngayon ay nahaharap na sa kasong robbery-extortion at illegal possession of firearms.
Sinabi ni PNP chief na sa kabila ng paulit-ulit na kanilang babala, patuloy ang pananamantala at kalokohan ng ilan nilang kasamahan kaya sisiguruhin niya na matatanggal sa serbisyo ang mga ganitong klase ng pulis.
Sa operasyon nakuha sa pulis ang P300,000 marked money, caliber .22 handgun na walang serial numbers, isang caliber 9mm police service firearm, cash na mahigit P5,000, PNP identification card, at ATM cards.