Pulis sa Lipa, Batangas, inaresto ng PNP-IMEG dahil sa pangongotong

Dinakip ng mga tauhan ng PNP-IMEG ang isang pulis sa Lipa, Batangas dahil sa pangongotong.

Kinilala ni PNP-IMEG Chief Col. Romeo Caramat Ang suspek na si PSSG Darwin M. Ona na naka-talaga sa Mataas na  Kahoy  Municipal Police Station, Batangas Police Provincial Office.

Batay sa reklamo ng biktima, nitong June 25, 2019, ipinakilala umano siya ng kanyang kapitbahay kay PSSGT Ona, isang Philippine Airforce  Col. Maria Cecilia Christine Magnaye, at isang alyas Bil, na nangakong aayusin ang kanyang problema sa lupa, kapalit ng kaukulang kabayaran.


Nagbigay ng paunang bayad ang complainant na 40,000 at mula noon ay halos araw araw nanghihingi ng karagdagang pera ang suspek hanggang sa umabot sa mahigit 100 libo piso na ang naibigay ng complainant.

Noong nakaraang linggo, sinabi umano ng grupo na kailangan nila ng karagdagang 400 libong piso kaya ibinenta ng complainant ang kanyang montero sa kaibigan ni Col. Magnaye, at ibinigay umano ang perang pinagbentahan sa opisyal.

Sa kabila nito hindi parin naayos ang problema sa lupa ng complainant, at nanghingi pa ng karagdagang 40,000 piso si PSSGT Ona, kaya isinumbong na sila ng complainant sa IMEG.

Tiklo ang suspek sa isang entrapment operation sa bahay ng complainant matapos na tumanggap ng 40,000 marked money nitong Sabado.

Facebook Comments