Sinibak sa pwesto ang pulis na nagpatigil ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, dahil dadaan umano ang convoy ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD), Holy Spirit Police Station (PS 14) Chief, P/Lt.Col. May Genio, pinatanggal na niya sa pwesto si P/Sgt. Verdo Pantallano matapos na mag-viral ang video nito sa social media.
Humihingi rin ng paumanhin ang QCPD, dahil sa kalituhan sa panig ni Pantallano na noo’y nagmamando ng daloy ng trapiko.
Ayon sa QCPD, nag- “overreact” umano si Pantallano at pinatigil ang daloy ng trapiko bilang courtesy umano at seguridad nang marinig ang salitang “VP” at inakalang si Vice President Duterte ang daraan sa lugar.
Subalit, wala roon si Duterte dahil nasa Agusan del Norte ito mula pa noong Miyerkules.
Nabatid na dumalo si Duterte sa 122nd Police Service Anniversary ng Philippine National Police Regional Office 13 at sa World Teachers’ Day Celebration nitong Huwebes.
Humingi na rin ng paumanhin si Pantallano, na aniya ay inakala niyang si VP Sara ang daraan sa Commonwealth Ave., sa lungsod.