Pulis, Sinaksak ng Ka-Live-In Partner!

Quezon, Isabela – Nagpapagaling na sa kasalukuyan ang pulis at ang ka-live-in partner matapos saksakin ng babae ang pulis at binaril naman ng pulis ang partner bilang ganti noong ika-isa ng Abril, taong kasalukuyan.

Kinilala ang pulis na si PO3 Edwin Peru, kwarentay anyos at miyembro ng PNP Quezon, Isabela. Samantalang kinilala ang live-in partner na si Alma Jane Lucero, trentay syete anyos, pawang residente ng Barangay Minagbag, Quezon, Isabela.

Sa imbestigasyon ng PNP Quezon, umuwi umano ang pulis sa kanilang inuupahang bahay upang maligo at magbihis nang nag-pang abot sila ng kanyang ka-live-in na si Lucero. Nagtalo ang dalawa at nauwi sa puntong sinaksak ng babae ang pulis sa leeg nito at kaliwang hita.


Ginantihan naman ito ni Peru upang depensahan ang sarili sa pamamagitan ng pagbaril sa kanang bahagi ng katawan ni Lucero.

Lumabas sa karagdagang pag-sisiyasat na dahil lamang sa selos ang pinagmulan ng pagtatalo ng dalawang magkasintahan.

Isinugod sa pinakamalapit na pagamutan si Peru na inilipat din kaagad sa Saint Paul Hospital samantalang nahuli naman si Lucero na dinala sa Cagayan Valley Medical Center dahil sa tinamong tama ng baril.

Patuloy paring iniimbestigahan ng kapulisan ang naturang pangyayari.

Facebook Comments