Pulisya ng Cagayan at Comelec, Handa na sa Halalan!

*Tuguegarao City, Cagayan*- Handang-handa na ang buong pwersa ng PNP Cagayan at Commission on Elections (COMELEC) para sa araw ng eleksyon.

Sa dinaluhang pulong ng 98.5 RMN Cauayan sa Cagayan Police Provincial Office (CPPO), tiniyak ng pulisya ang seguridad ng mamamayan lalo na ngayong nalalapit na araw ng botohan kung saan mayroon nang mga pulis na naka-assign sa bawat polling precinct sa Lalawigan.

Ayon kay Provincial Director Colonel Ignacio Cumigad Jr, kanyang tiniyak na handa ang kanyang tropa at handa aniya nilang sampahan ng kaukulang kaso ang sinumang lalabag sa halalan at magtatangkang bumili ng boto sa mismong araw ng eleksyon.


Maari din aniya na arestuhin sa pamamagitan ng citizens arrest ang sino mang mapapatunayan na lumabag sa ipinagbabawal ng COMELEC.

Matagumpay namang naayos ng COMELEC- Cagayan ang technical problem sa mga SD Cards ng Vote Counting Machines (VCM) na gagamitin sa Lunes.

Bagamat mayroong 38 na barangay ang walang signal sa buong lalawigan ng Cagayan ay magtutungo na lamang umano ang mga Board of Election Inspectors (BEI) sa Munisipyo upang makapagsumite ng resulta ng halalalan sa kanilang bayan.

Pinabulaanan naman ni Atty. Manuel J. Castillo Jr, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Cagayan ang kumakalat na pre-shaded ballots sa social media na pawang mga peke at walang katotohanan.

Samantala, kinukumpirma pa ng PNP Cagayan ang mga umano’y vote buying na isinasagawa ng mga kandidato sa ilang bayan sa Lalawigan ng Cagayan.

Facebook Comments