Inaasahang sa mga susunod na linggo ay ikakasa na ang pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, ito ang naging resulta ng pakikipag-usap ni Senate President Juan Miguel Zubiri kina Executive Secretary Victor Rodriguez at sa core group ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi ni Villanueva na sa susunod na isa o dalawang linggo ay magkakaroon na ng pulong ang LEDAC lalo pa’t kapansin-pansin aniya na marami nang panukala ang na-veto.
Sa LEDAC meeting ay inaasahang pag-uusap ang 19 na panukalang batas na binanggit ni Pangulong Bongbong sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Sa caucus din ng mga senador, sinabi ni Zubiri na imumungkahi niya sa Malacañang na pasamahin na sa LEDAC meeting ang lahat ng 24 na mga senador upang mas mabilis ang pagtukoy ng mga panukalang ipaprayoridad na maisabatas.
Hiningi na rin ni Zubiri ang listahan ng prayoridad ng panukalang batas ng bawat senador para pagsama-samahin ang mga magkakatulad na panukala at maihanda para sa hinihintay na LEDAC meeting.