Hindi masyadong natalakay sa pulong ni Justice Sec. Crispin Remulla sa European Parliamentarians ang usapin sa planong imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC sa paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Sabi ni Remulla na natanong lang ng European Parliamentarians ang planong pagpasok sa bansa ng ICC pero sinabi aniya na inaayos naman na ng pamahalaan ang sistema patungkol dito.
At kung may problema aniya talaga ang ICC na gustong imbestigahan ay ibigay na lang sa Department of Justice (DOJ) at sila na ang aaksyon.
Ayon kay Remulla, wala pang tatlong minuto ang naging usapan sa planong imbestigasyon ng ICC dahil sumentro ang pulong sa “judicial reform” o reporma sa sistema ng hudikatura sa bansa.
Naungkat din aniya sa pulong ang usapin ng fake news sa bansa.
Sabi ni Remulla, kung siya ang masusunod ay hindi na dapat pang pagtuunan ng pansin ang cyber libel cases subalit batas aniya ito na dapat ipatupad.
Nakatakda namang lumipad patungong Geneva, Switzerland si Remulla sa Lunes para talakayin ang mga ipinatutupad na reporma sa mga piitan sa bansa.