Pumalag ang mga militanteng mambabatas sa panghihikayat ni Davao City Mayor Sara Duterte na huwag iboto ang mga partylist groups na binubuo ng mga militanteng mambabatas.
Ayon kina ACT Teachers Representative Antonio Tinio at Gabriela Representative Arlene Brosas, kung may gumagawa man ng iligal at labag sa karapatang pantao, walang iba anila ito kundi si Pangulong Duterte.
Ipinaalala ni Tinio na maraming estudyanteng Lumad ang ayaw ng pumasok sa mga paaralan nang minsang ihayag ni Pangulong Duterte ang pambobomba sa mga Lumad schools.
Aniya, ang mga partylists groups ang sumuporta at lumaban para sa karapatan sa edukasyon ng mga Lumad.
Hinikayat naman ni Brosas si Mayor Sara na tigilan na ang paggana ng imahinasyon nito na may binubuong kudeta ang Makabayan laban sa kanyang ama.
Dapat din aniyang tukuyin muna ng alkalde kung ano ang legal at unarmed progressive partylists at mga underground Communist Party of the Philippines (CPP) upang hindi ito mauwi sa illegal crackdown ng mga partylists groups.