PUMALAG | Sen. Drilon, Angara – itinanggi na tumanggap sila ng pondo mula sa Road Board

Manila, Philippines – Pumalag sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Sonny Angara sa balita na tumanggap sila ng pondo mula sa Road Board.

Ayon kay Drilon, hindi siya nanghingi ng pondo sa Road Board dahil ang ginawa niya ay nag-endorso lang ng request ni Department of Public Works and Highways o DPWH Region 6 Director Ed Tayao.

Sa pagkakaalala ni Drilon, sa pagitan ng 2014 hanggang 2015 o noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay nagpatulong si Tayao na makahingi sa Road Board ng 16 million pesos para pailawan ang ginagawa noon na Senator Benigno Aquino Avenue, na isang national road sa Iloilo City.


Sabi ni Drilon, ipinasa niya sa Road Board ang request dahil base sa batas, ang gastos sa pagpapailaw sa mga kalsada ay pwede lang kunin sa road users tax na pinangangasiwaan ng Road Board.

Pero diin ni Drilon, walang pondong inilabas ang Road Board kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagawa ang nasabing proyekto.

Katwiran naman ni Senator Angara, imposible itong mangyari dahil wala namang inilalabas na pondo ang Road Board simula noong 2016 bukod pa sa isa din sya sa mga bomoto pabor sa panukalang batas para buwagin ang Road Board.

Ikinwento ni Angara na noong mga nakaraang taon ay nagpunta sa kanyang tanggapan ang mismong hepe ng Road Board at hiniling na mag-refer sila ng mga proyekto na popondohan ng Road Board.

Paliwanag ni Angara, ikinonsulta nila ito sa district engineer ng Aurora na kanyang lalawigan.

Sa tingin ni Angara, ang paglabas ng mga maling balita ukol sa kanya ay bunga ng pagkaipit nila sa awayan nina House Speaker Gloria Arroyo, Majority Leader Rolando Andaya at Budget Secretary Ben Diokno.

Facebook Comments