Manila, Philippines – Pinalagan ng Tindig Pilipinas ang pagkadawit ng kanilang grupo sa conspiracy matrix na inilabas ni dating Davao Vice Mayor Pulong Duterte.
Una rito, ibinahagi ni Pulong sa kanyang facebook post ang listahan ng ilang prominenteng politiko at personalidad na aniya ay kasama sa “Anti-Administration Group, Oust Duterte Movement”.
Sa isang statement, alegasyon lamang ito ng dulot ng isang drug-induced paranoia.
Ayon pa sa grupo, hindi naman sila nagtatago at lantad sa kanilang mga puna.
Kung destabilizer ang tawag sa mga kumukwestyon sa tumataas na presyo ng bilihin, mga namamatay sa drug war at sa paghawak ng West Philippine Sea, nangangahulugan ito na marami na pala ang mga gustong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.
Kabilang din sa listahan sina Vice President Leni Robredo, dating Vice President Jejomar Binay, Senior Associate Justice Antonio Carpio, Former Chief Justice Hilario Davide, Associate Justice Marvic Leonen, Senadora Leila De Lima, Risa Hontiveros, dating Senador Francisco Tatad at ilan pang opisyal ng gobyerno na kaalyado ni dating Pangulo Noynoy Aquino.
Dawit din ang ilang opisyal ng simbahang Katolika, mga retired military officers at general, mga mamamahayag, Movement Against Tyranny, Makabayan Bloc at maging ang mga kumpanya tulad ng Jollibee at PLDT na umano ay tutol kay Pangulong Rodrigo Duterte.