*Cauayan City, Isabela*- Ikinonsidera ng sumuring doktor mula sa Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital sa Lungsod ng Ilagan na COVID-19 patient ang isang 11-anyos na bata matapos makitaan ng ilang sintomas ng naturang sakit.
Ayon sa tagapagsalita ng Isabela Inter-Agency Task Force Atty. Elizabeth Binag, batay sa ginawang physical test sa bata ay nakaranas ito ng hirap sa paghinga na tinatayang ‘40 breath per minute’* ang takbo ng kanyang paghinga.
Batay sa sumuring doktor, kinakailangan umano na ‘intubate’ ang bata subalit kinakailangan ng mechanical ventilator kaya’t nagpasya ito na irefer sa Cagayan Valley Medical Center na sinang-ayunan umano ng mga magulang ng bata ang desisyon para sa kanilang anak.
Ayon pa sa pagsusuri, may Severe Acute Respiratory Infection (SARI) ang bata kung kaya’t kinonsidera ito bilang COVID-19 Patient.
Una nang kinumpirma ng mga magulang ng biktima na tinanggihan sila ng hospital na magamot ang kanilang anak hanggang sa bawian ito ng buhay habang isinusugod sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, Cagayan.
Kumalat din sa social media ang upload ng kaanak ng biktima dahil sa kapabayaan ng Provincial Hospital ng Isabela.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang insidente at handa rin ang pamilya na ituloy ang reklamo laban sa mga responsable sa pagkamatay ng kanilang anak.