Pumanaw na Dating VM ng City of Ilagan, COVID-19 Survivor

Cauayan City, Isabela- Nagnegatibo na sa COVID-19 ang resulta ng swab test ni dating Vice Mayor Vedasto ‘Piding’ Villanueva ng City of Ilagan bago ito bawian ng buhay matapos ma-stroke habang nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lungsod ng Tuguegarao.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Sangguniang Panlungsod Member Jay Eveson Diaz sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ayon sa kanya, hindi aniya nila inasahan ang biglaang pagpanaw ni Villanueva kahapon, Enero 21, 2021 na nakatakda na sanang lumabas sa ospital matapos ang itinakdang araw ng kanyang pagpapagaling.


Sinabi din ni Eveson Diaz, dalawang beses nang na-stroke si Villanueva habang nasa loob ito ng ospital para sa kanyang strict quarantine bago siya tuluyang binawian ng buhay.

Malaking kawalan din ani Eveson ang pagkamatay ni Villanueva dahil sa mga nagawa nito at pagtulong habang nagsisilbi bilang ikalawang ama ng syudad.

Kung isalarawan ni Eveson si former VM Villanueva, isa aniya ito sa mga taong mapagpakumbaba, simple at talagang mapagmahal sa kapwa.

Si Piding Villanueva ay nagsimulang umupo bilang bise Mayor ng Lungsod noong taong 2010 hanggang 2019.

Samantala, hinihintay na lamang mula sa pamilya ni dating VM Villanueva kung gugustuhin na magkaroon ng isang araw na necrological service para sa yumao.

Facebook Comments