Sa tulong ng social media, natunton at nadakip ng awtoridad ang isang lalaking wanted sa pagpaslang sa isang retiradong pulis noong Disyembre 2015.
Naaresto ang akusadong si Prelan Grama dakong alas-7 ng gabi nitong Mayo 16 sa Sogod, Southern Leyte.
Kilala rin ito sa alyas na “Allan Fajardo” at “Allan Arciento”, na nakatira raw noon sa Sta. Cruz, Maynila at Binalonan, Pangasinan.
Sangkot si Grama sa pagpatay kay Cipriano Herrera, retired commander ng Manila Police District Station 3.
Halos limang taong nagtago ang salarin, kasama ang live-in-partner niya sa naturang probinsiya, kung saan daw siya namasuka bilang construction worker.
Nadiskubre ng pulisya ang kinaroroonan ng salarin matapos nitong batiin ang anak sa pamamagitan ng Facebook.
Bagaman gumamit ng ibang pangalan, nahanap pa rin siya ng kinauukulan dahil naka-post sa naturang account ang kaniya mismong litrato.
Aminado naman si Grama na pinatay niya ang biktima at iginiit na iginanti lamang niya ang babaeng kapatid na umano’y dating minolestiya ng biktima.
Pero humingi pa rin ito ng paumanhin sa nagawang krimen.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong murder, carnapping at robbery.