Punerarya sa Maynila na tatanggi sa mga labi galing ospital, kakanselahin ang permit

Binalaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga punerarya na tumatanggi o nagpapaliban sa pagtanggap ng mga labi o bangkay galing sa mga ospital.

Banta ni Mayor Isko, kakanselahin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang business permits ng nabanggit na mga punerarya na hindi magbibigy ng tamang serbisyo.

Binigyang-diin ni Domagoso na hindi dapat gawing dahilan ang lumalaganap na Coronavirus Disease (COVID-19) upang tanggihan ang mga bangkay na galing sa mga ospital.


Katwiran ni Mayor Isko sa mga may-ari o nagpapatakbo ng punerarya, pinasok nila ang ganitong klase ng negosyo kaya dapat nilang tuparin ang tungkulin na pagtanggap sa mga namamatay.

Tiniyak ni Domagoso na hindi nya hahayaan na magkaroon ng puwang sa Lungsod ang lahat ng mga negosyante na patuloy na umaabuso’t nagsasamantala sa gitna ng krisis na hatid ng COVID-19.

Facebook Comments