Pusa, naka-survive sa 35-minuto cycle ng washing machine

92
Image from Asha Caroll at GoFundMe

Nabawasan na raw ang siyam na buhay ng isang pusa sa Minnesota na masuwerteng nakaligtas matapos ma-stuck sa washing machine na paikot-ikot nang 35 minuto.

Subalit dahil sa insidente, naapektuhan ang paningin ng isang taong-gulang na pusa na si Felix, at nagkaroon ng pneumonia dahil sa tubig na napunta sa baga nito.


Kuwento ng may-ari ni Felix na si Stefani Carroll-Kirchoff, palagi niyang sinisiguradong hindi pumapasok sa washer ang kahit sino sa tatlo niyang pusa, pero nang araw na iyon ay nakaligtaan niya at hindi napansin na nakapasok ang alaga.

Nang matapos ang 35-minutong cycle, napansin niya ang isang puting paa ng pusa na nakalitaw mula sa mga basang labahin.

Agad naman dinala sa emergency vet si Felix.

Bumubuti naman na ang lagay ng pusa na bumabalik na ang paningin at kumakain na ulit, pero naka-oxygen pa rin.



Inaasahan ang tuluyang paggaling ni Felix ayon sa beterinaryo, pero para kay Stefani, hindi niya mapapatawad ang sarili sa nangyari.


Nagtatrabaho si Stefani sa pet grooming salon at 11 taon nang cat owner.

Facebook Comments