Inihayag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na simula sa mga susunod na araw, pagmumultahin na ang mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers na mahuhuling lalabag sa “No vaccine, No ride” Policy.
Ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion, aabot hanggang P10,000 ang multa sa mga lalabag.
Ngayong unang araw ng implementasyon ng polisiya, hindi naging istrikto ang panghuhuli ng law enforcers.
Ayon Kay Transportation Spokesperson Goddess Libiran, magpaparaya at magpapasensya muna ang ginawang panghuhuli sa unang araw ng “No vaccine, No ride” Policy.
Ayon sa LTFRB, sa susunod na mga araw, ang penalty sa lalabag sa policy ay:
1st offense – fine of P5,000
2nd offense – fine of P10,000 at impounding ng unit na hinuli sa loob ng 30 araw
3rd o sa susunod pang paglabag ay multa ng P15,000 at suspension o cancellation ng franchise.
Irerekomenda rin ng LTFRB sa Land Transportation Office ang mga hinuling driver para sa suspension ng kanilang driver’s license.
Ang mga bumibiyahe sa pamamagitan ng bisikleta ay sinisita ng Task Force Disiplina ng Quezon City-Local Government Unit (QC-LGU) habang sa PUV, nakatutok ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT).
Umabot na sa 160 ang bilang ng mga pasaherong hindi bakunado na pinababa at winarningan ng I-ACT.
Sampu ang pinababa sa Commonwealth Avenue at 60 naman sa Mindanao Avenue sa Quezon City.