Nasa mahigit 400 ang nakiisa sa isinagawang caravan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ngayong araw.
Mula sa University of the Philippines sa Quezon City, tumulak ang grupo papunta sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) saka dumiretso sa Mendiola, Maynila.
Nakapaskil sa mga jeep ang mga panawagang “No to Jeepney Phaseout.”
Kasama rin nila ang ilang estudyante ng UP at ang mga grupong Bayan, Kilusang Mayo Uno at Kabataan.
Nilinaw naman ni PISTON National President Mody Floranda na hindi puwersahan ang paglahok sa tigil pasada.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, nanawagan din si Ka Mody kay Pangulong Bongbong Marcos na maglabas ng kautusan na nagpapawalang-bisa sa Omnibus Franchising Guidelines kaugnay sa isinusulong na PUV Modernization Program.